Tuesday, October 21, 2014

                           


                                             Pabula: Ang Sutil na Palaka

                                                 
Isinalin ni Teresita F. Laxima
Mula sa orihinal na ‘The Green Frog’ isang pabulang Koreano


Noong unang panahon, may isang berdeng palaka na naninirahan sa isang lawa kasama ang inang palaka na isang biyuda.

May pagkasutil ang berdeng palaka. Hindi niya sinusunod ang mga pangaral ng ina. Kapag may sinabi ang inang palaka, kabaligtaran ang ginagawa ng berdeng palaka. Kapag sinabi ng ina na sa bundok siya maglaro, sa sapa naman siya maglalaro. Kapag sinabi ng ina na umakyat, bababa naman siya. Kapag sinabi ng ina na sa kanan, sa kaliwa siya pupunta.

Lubhang nababahala ang Inang Palaka sa pagiging sutil ng berdeng palaka. Lagi na lamang kahihiyan ang ibinibigay ng berdeng palaka sa ina.

“Bakit hindi siya tumulad sa ibang batang palaka na magalang at masunurin” Himutok ng Inang Palaka.

“Ano na ang mangyayari sa kaniya kapag ako’y nawala na? Matanda na ako at ano mang oras ay maaari akong mamatay? Kailangang gumawa ako ng paraan upang maputol na ang pagiging sutil niya,” sunod-sunod na nausal ng ina sa sarili.

Araw-araw ay pinangangaralan ng Inang Palaka ang berdeng palaka tungkol sa kabutihang-asal subalit patuloy na binabale-wala ng berdeng palaka ang pangaral ng Inang Palaka. Nagpatuloy pa rin ang berdeng palaka sa pagiging sutil.

Hanggang sa dumating ang panahon na naramdaman ng Inang Palaka na siya’y mamamatay na. Tinawag niya sa kaniyang tabi ang berdeng palaka at kinausap ito ng masinsinan. Ibig ng Inang Palaka na mailibing siya nang maayos sa bundok. At dahil sa alam niya ang ugali ng berdeng palaka na kabaligtaran ng kaniyang bilin ang gagawin nito, pinili ng Inang Palaka ang mga salitang gagamitin niya sa pagkausap dito. Hindi niya sinabi sa berdeng palaka ang totoong nais niyang mangyari. Sa halip, iniba niya ang bilin sa berdeng palaka.

“Kapag namatay na ako, ilibinga mo ako sa sapa, huwag mo akong iibing sa bundok,” sunod-sunod na bilin ng ina sa berdeng palaka.

Nakikinig nang buong kapanglawan ang berdeng palaka sa ina habang ito’y nakayuko.

“Ipinangangako ko ina, gagawin ko ang bilin mo.” Paniniyak ng berdeng palaka sa ina.

Pagkaraan ng apat na araw namatay ang Inang Palaka. Ganoon na lamang ang pagsisisi ng berdeng palaka. Alam niya na siya ang dahilan ng maagang kamatayan ng ina.

“Patawad ina, patawad! Dahil sa pagiging suwail ko, lagi ka na lang nagdaramdam sa akin kaya ka nagkasakit at maagang namatay,” paninisi ng berdeng palaka sa sarili.

“Susundin ko ina ang bilin mo sa akin na ilibing ka sa pampang ng ilog,” wika ng berdeng palaka.

At kahit alam ng berdeng palaka na hindi tama na ilibing sa pampang ng ilog ang ina dahil sa mabilis at malakas ang alon, baka maanod ang libingan ng ina at dahil sa ito ang bilin, inilibing niya sa pampang ang namatay naina. Kapag malakas ang ulan, binabantayan niya ang libinga ng ina. Nagdarasal siya ng taimtim na nawa’y huwag lumaki ang alon baka matangay nito ang libingan ng ina.

Subalit, tulad nang dapat asahan, dumating ang ulang habagat at tumaas at lumaki ang alon, naanod ang libingan ng Inang Palaka.

Ganoon na lamang ang hagulgol ng berdeng palaka. Naupo ito sa ilalim ng malakas na ulan at doon nagpatuloy sa walang humpay na pag-iyak dahil sa nangyari sa libingan ng ina.

Ito ang dahilan, ayon sa marami kung bakit tuwing umuulan, umiiyak ang berdeng palaka.

No comments:

Post a Comment